Friday, December 17, 2010

ako si Angel, isa akong bayarang OFW

Nakakalungkot isipin na sa hangad ng ilang Filipina na makapunta ng ibang bansa at makatulong sa pamilya, napadpad sila sa pagbebenta ng kanilang katawan. Marami ang nagagalit dahil kagagawan ng isa, nadadamay ang lahat..

Tulad sa bansang UAE. Maraming mga Pilipina ang nasadlak sa ganitong sitwasyon. maraming dahilan kung bakit sila napunta sa ganitong sitwasyon. Maaring ito'y naloko ng agency o kung sinumang kakilala na may naghihintay na trabaho sa bansang pupuntahan. Maaring ito ay ginawa dahil wala ng ibang paraan na kikita pa sya ng pera at kailangan nya ito para makasurvive sa bansa kung saan naroon sya. Maaaring, ito ay part time nya upang mas malaki ang maipapadala nya sa pamilyang naghihintay ng kanyang buwanang padala. Anuman ang kanilang dahilan, kailangan muna natin alamin ang kanilang sitwasyon bago sila husgahan.

Nakilala ko si Angel noong ako\y mapadpad sa isang bansa sa middle east. Sa unang pagkakakilala mo sa kanya, masasabi mong isa syang mabuting tao. Sya'y nakainuman ko at napalagayan ng loob. Noong malasing na sya, dito nya ako tinadtad ng mga tanong na syang gumuhit sa aking puso. "Masama ba akong babae?", "Masasabi mo ba akong pokpok?", "Kung ikaw sa kalagayan ko, ano gagawin mo?". Yan ang mga katagang namumutawi sa kanyang bibig. Dahil di ko sya direktang masagot sa kanyang katanungan, sya na mismo ang kusang nagkwento sa akin.

"May tatlo akong anak. Umalis ako ng Pilipinas dahil wala akong mahanap na maayos na trabaho doon at kung meron man, napakaliit ng sahod. Direct hire ako nang mapunta dito at inofferan ako ng 400$ bilang DH. Dahil wala akong gastos at malaking tulong na ang ganitong halaga para sa akin at sa pamilya ko, nangibang bansa ako. Nang makarating ako dito,minaltrato ako ng amo ko at muntik na ako gahasain kaya naman lumayas ako sa pinagtrabahuan kong iyon. Dahil nga sa direct hire ako, hawak ng amo ko ang passport ko at dahil dyan, wala akong mapasukang trabaho dahil unang hinihinging requirement ang passport. Ang mga kababayang nakilala ko ay ayaw din akong tulungan dahil ayaw nila madamay kapag hinanap na ako ng amo ko. Kaya napadpad ako sa ganitong sitwasyon kasi wala na akong alam na paraan para mabuhay pa. Hindi alam ng pamilya ko ang kalagayan ko dito dahil ayokong mag alala sila. Ang mga anak ko nalang ang iniisip ko sa tuwing ginagawa ko ito dahil para ito sa kinabukasan nila".

Halos madurog ang puso ko sa kwento nyang iyon. Di ko maisip kung paano ko sya bigyan ng tamang sagot sa tanong nya sa akin. Subalit hindi ko sya magawang husgahan sa kalagayan nya dahil nakikita ko sa mga mata nya na gusto na nya mabago ang kanyang buhay.

Kinamusta ko sya pagkaraan ng ilang buwan. Ayun sa kanya, wala na sya sa ganoong trabaho. May nakilala syang isang binata na nagmahal sa kanya nang totoo subalit sa kasamaang palad, napakaseloso ng lalaking kanyang kinakasama. Di nya umano matagalan ang ugali nito at gusto na nyang hiwalayan subalit sa tuwing pagtatangka nya, madalas syang tinatakot nito na ilalagay sa internet ang kanyang hubad na larawan at sex videos.

No comments:

Post a Comment