This will be my 5th Christmas sa ibang bansa. At masasabi kong, dito lang sa paskong ito ko naramdaman ang salitang homesick.
Sa Pinas, unang araw palang ng September, nag-uunahan na magpatugtog ng Christmas songs ang mga istasyon ng radyo. Nagsisimula na rin maglagay ng decoration ang ilang kababayan natin. Sa malls, pinag-iisipan na ang mga bagay na ititinda sa Christmas sales na halos buong buwan yata ng December nagaganap. Sa Cubao, pinapailaw ang pinakamalaking parol noon. Kahit saang sulok ka ng Pilipinas, di mo maiwasang purihin ang sarili mong bansa at kababayan dahil sa kanilang paghahanda sa okasyong ito.
Ang unang 4 na Christmas ko sa ibang bansa ay sa middle east. Walang Christmas lights, walang Christmas songs, walang Santa Claus na nagpapapicture sa mga bata, walang Christmas sales, walang bonggang Christmas party, maraming wala. Samakatuwid, wala yung spirit ng Christmas dahil wala kang nakikita o naririnig para namimiss mo sa Pinas tuwing ganito ang okasyon.
Nitong nakaraang 2 linggo, nabisita kami sa isang lugar dito sa kinaroroonan ko na makikita mo at mararamdaman ang diwa ng pasko. Napakaraming Christmas lights, napakaraming Santa sa paligid at iba't ibang pakulo. Sumakay ako sa Santa train na umikot sa lugar na iyon sa loob ng 20minutes. Pag-upo ko palang sa upuan ng tren, tumulo ang luha ko dahil nagpatugtog ng Christmas song, hudyat na malapit na simulan ang short tour namin. Di ko napigilan ang sarili ko na sabihin sa employer ko na "I miss home". Dito ko kasi naramdaman ang talagang diwa ng pasko at mas masaya sana kung kasama ko ang mga mahal ko sa buhay.
Maaaring iba ang naramdaman ko sa ibang OFW. Marahil iba iba ang dahilan ng ating homesickness. Isa lang siguro ito sa napakaraming dahilan para masabi nating, I wish I am home with my family.
Sa kasalukuyan, nandito ako sa Mexico para sa aming 8-day vacation. Magagandang beaches, may diwa rin ng pasko, pero kakaiba pa rin sa Pinas. Kakaiba pa rin ang pagcelebrate ng kapaskuhan kasama ang mga mahal mo sa buhay.
Ang aking sinasabi nalang sa sarili ko, kaya ipinagdiriwang ang pasko dahil sa pagkapanganak sa ating Panginoon. Na alam kong, kaya nya ako pinagpapala dahil nagsasakripisyo ako para mapaganda ang buhay ng mga naiwan ko sa Pinas. Ganito tayong OFW. Di man natin kasama ang ating pamilya ngayong kapaskuhan, alam kong, mahal tayong lahat ng nasa Itaas dahil sa ating pagsisikap na mabigyan ng magandang kinabukasan ang ating pamilya. Mabuhay po tayong lahat.
Merry Christmas po sa inyong lahat
No comments:
Post a Comment