Tuesday, July 3, 2012

Pahalagahan Mo ang Iyong Sarili: Isang Aral Para sa OFW

Kainis, hingi na naman sila nang hingi sa Pinas! Akala nila, masarap ang buhay dito.”

“Hay naku! Kapapadala ko lang noong isang linggo, ubos na naman daw at nanghihingi na naman sila”.

“Yung kapatid ko, nagpapabili na naman ng bagong gamit. Kelan lang, binilhan ko yun. Akala yata, mura lang yun dito at hinihingi ko lang”

“Hay naku, ang mga tao sa Pinas kapag humingi, akala nila ay pinupulot ang pera dito. ‘Di nila alam na pinaghihirapan ko ang lahat”.

Mga daing ng OFW. Minsan, ayoko nang makinig o ayoko nang mabasa. Parang sirang plaka na kasi e.

Nakatatawang isipin pero noong unang taon ko sa abroad, isa rin ako sa mga katulad nila.. Puro daing tungkol sa pagpapadala sa Pilipinas. “Ikaw ang nahihirapan dito sa buhay mo sa abroad..Ikaw ang nasisigawan ng amo mo.. Ikaw ang nagsasakripisyo, tapos walang natitira sa sweldo mo?”

Isang litanya ng pakialamera kong kaibigan noong minsang nagreklamo ako.. Nakakainis ah.. Ano bang pakialam niya kung nauubos ko ang sweldo ko sa pagpapadala sa pamilya ko? Kung pwede ko nga lang siya sabihan na, ‘wag siyang makialam kasi pera ko naman yun, ginawa ko na kaso napag-isip-isip ko na may punto pala siya.

Umiiyak kasi ako nang mga panahong iyon. Naubos na naman kasi ang suweldo ko sa pagpapadala sa pamilya ko. Ewan ko ba, kahit magkano ang ipadala ko, parang kulang pa rin. Yung unan ko na lang ang karamay ko sa pag-iyak. Wala kasi ako mapagsabihan e. ‘Di ko rin masabi madalas sa iba ko pang mga kaibigan ang problema ko kasi katulad ko, ganoon din ang pinagdaraanan nilang mga OFW.

Bigay nang bigay sa pamilya at wala ring natitira sa kanila. Kaya naman, tuwing magkikita-kita kami, share-share na lang sa pagkain. ‘Di uso yung “libre kita” kasi eksakto lang ang pera namin na natira bago dumating ang susunod na suweldo o kaya naman, hiniram lang din sa kaibigan. Kumbaga, pag may emergency, wala na kaming huhugutin. Maswerte na siguro kami kung tatagal ng isang araw ang suweldong tinanggap, pero minsan, hihimas himasin na lang ang dollar, euro, dirhams, dinar or yen para mafeel na nasa abroad kami.

Ang dulas kasi nila dahil dumadaan lang sila sa aming mga palad. Kung puwede nga lang makapagsalita ang pera, baka sabihin na, “wag mo naman ako ipamigay kaagad. Magbonding muna tayo”.

Ganoon yata talaga ang buhay ng isang taong mapagmahal. Tayo kasing andito sa ibang bansa, sobra-sobra ang pagmamahal sa pamilya. Sobra ang sakripisyong ginagawa natin para sa kanila. Kahit wala nang matira sa atin, basta mayroon sila, masaya na tayo. Mabalitaan mo lang na masaya sila sa perang tinanggap nila mula sa pinadala mo at nakatikim ng kaunting ginhawa, napapawi na rin ang pagod mo sa maghapon.

Sa akdang “Ito ang Pasalubong ko: RESIBO,” sari-saring reaksyon ang nabasa ko. Tama daw ang hinaing ko. Inilabas ko daw ang damdamin ng libu-libong OFW na nagsasakripisyo para sa kanilang pamilya. Sana daw, maunawaan ng mga naiwan sa Pilipinas ang kanilang kalagayan kapag nabasa ang akda na iyon. Napaisip ako, ang mga naiwan ba talaga sa Pilipinas ang may kasalanan kung bakit wala nang natitira sa suweldo natin buwan buwan o tayong nandito sa abroad?

Matanong kita kapwa ko OFW, sino ang nagpapakahirap dito sa abroad? Sino ang nasisigawan ng amo sa tuwing nagkakamali ka? Sino ang tumatanggap ng suweldo mo buwan buwan? Hindi ba ang sagot sa lahat ng katanungan ko ay “ang sarili mo”? Opo, ikaw nga! Samakatuwid, ikaw ang dapat na magkontrol sa ipinapadala mo buwan-buwan dahil ikaw din naman nahihirapan kapag ikaw ang nawalan.

Oo, andito nga tayo sa abroad para sa pamilya natin pero hindi ibig sabihin noon ay hindi ka na magtitira para sa sarili mo. Kung sobra-sobra ang ibinibigay mo sa kanila, hindi mo sila tinutulungan sa kanilang pang-araw araw na pamumuhay kundi tinuturuan mo silang maging tamad.

Marami ang ganyang kapamilya at kamag-anak. Porke alam nila na mayroon silang malalapitan sa katauhan mo, hindi sila masyadong nagpapakahirap. Ang sasabihin nila, nandyan naman si magulang, anak, kapatid, kamag-anak o kaibigang OFW. Pwede tayo manghingi o manghiram sa kanya. Mabait yun, alam naman niya ang buhay dito sa Pilipinas kaya siya nag-abroad.

Sabi nga ni Lao Tzu, “Give a Man a Fish, Feed Him For a Day. Teach a Man to Fish, Feed Him For a Lifetime“.

Opo, huwag natin silang sanayin sa buhay na marangya. Padalhan natin sila ng sakto lamang sa pangangailangan nila. Kung ikaw, kapwa ko OFW, ay may maliit na kinikita sa Pilipinas noon at nagkasya naman sa inyong buong mag-anak, ‘wag n’yo na baguhin yun. Turuan natin sila kung paano magsikap nang sa gayon ay malaman nila na bawat ginagastos nila ay hindi ganoon kadali kitain. Hindi yung puro umaasa lang..

Oo, andoon na nga yung dahilan natin na, “kaya nga ako nag-abroad e para guminhawa nang kaunti ang buhay namin”. Ang problema lamang sa ilan sa atin, hindi alam kung ano ang pagkakaiba ng pangangailangan at luho at kung minsan ay mag-isa lamang kumakayod ang OFW para sa kanyang buong pamilya.

Pera mo nga naman yan at baka sabihin mo, pakialamera ako. Pwede mong gastusin yan hanggat gusto mo. Ang problema lamang, ikaw ay hindi habang buhay na nasa abroad. Hindi mo alam kung kelan ka abutan ng emergency. Hindi mo alam kung kelan ka mangangailangan ng pera. Hindi mo alam kung kelan ka maaaring mawalan ng trabaho. Ang tanong, saan ka pupunta kapag nangyari yan? May malapitan ka bang kaibigan? Matutulungan ka kaya ng ibang tao? Ang pamilya mo na naghihirap sa Pilipinas, paano nalang?

Sabi ng ilang reaction sa article na RESIBO, “Pasalamat ako at hindi ganyan ang pamilya ko. Nauunawaan nila ako at nagtitxt sila sa akin araw araw”. Siguro, ang ilan sa inyo ay nag-isip noong mabasa iyon? Simple lang po ang kasagutan mga kababayan ko. Ang mga OFW na ito ay ipinauunawa sa kanilang mga naiwan sa Pilipinas ang kanilang tunay na kalagayan. Ito ay kung paano sila nahihirapan sa kanilang buhay abroad. Ito ay kung paano sila nasisigawan ng kanilang mga amo. Ito ay kung paano sila nagsasakripisyo para sa kapakanan ng kanilang pamilya. Tandaan mo, OFW ka. Bayani ka nga maituturing dahil sa sakripisyo mong paglayo sa kanila pero hindi ka si superwoman o superman. May kapaguran ka rin. Hindi ka lumilipad para mayakap ang pamilya mo sa tuwing kakailanganin mo sila. Hindi ka tagapagligtas ng lahat ng hinaing ng kapamilya, kamag-anak o kaibigan mo. Mahalin mo ang iyong sarili. Wag kang masyadong magpakapagod dahil kapag ikaw ay nagkasakit, hindi lang ikaw ang mawawalan kundi ang iyong buong pamilya na umaasa sa iyo.

Ilang OFW ang nakilala ko. Hindi pa ako ipinapanganak, nasa abroad na sila ngunit ang kanilang pamumuhay ay ganoon pa rin. Sabi nila, pera lang yan. Hindi naman madadala yan kapag namatay ka na. Madali lang yan. Maiksi ang buhay kaya dapat ienjoy ang pinaghirapan. Ang tanong, pag may emergency ba, may dudukutin sila? Wala!!! Ubus ubos biyaya kasi. Ang pamilya ng OFW na ito, bumibili ng kahit anong magustuhang luho. Pwede na nga sila magtayo ng electronics store at ilagay doon ang second hand na gadgets nila.

Maaaring ang sasabihin ng ilan, 10k o 15k lang ang sahod ko kaya wala na natitira sa akin dahil kulang pa sa pangangailangan ng pamilya ko. Kapag nasa ganitong sitwasyon ka, mas dapat mong turuan ang mga naiwan mo sa Pilipinas na magbanat ng buto. Hindi nga naman kakasya ang sinasahod mo sa abroad. Mula umaga hanggang gabi, nagpapakahirap ka. Butil butil na pawis ang tumutulo araw araw dahil sa kakakayod mo. Anong pakonswelo mo sa sarili mo?

Pasalamat ka kung sasabihin sa iyo na “Ingatan mo ang katawan mo. Mahal ka namin”. Paano kung ang naaalala ka lang tuwing araw ng sahuran at ang text ay “Padala ka na. Lakihan mo ha. Ang laki kasi ng bayarin natin e”. Natin daw? Ei wala ka naman doon para mangutang hindi ba?

Tandaan mo, nandito tayo sa ibang bansa para sa kanila. Pamilya natin sila at ang pamilya ay nagtutulungan. OFW ka, nasa kamay mo ang pag-angat ng iyong pamilya dahil mas malaki ang kinikita mo kaysa sa kanila subalit tao ka lang. Napapagod ang isip, katawan at puso. Hindi mo dapat sinosolo ang lahat.

Ipaunawa mo sa kanila ang tunay mong kalagayan nang sa gayon ay sama sama kayo sa pagharap sa hamon ng buhay. Magtira ka para sa iyong sarili at gamitin mo iyan upang may makita kang bunga ng iyong pinaghirapan. Mas masarap ang may sarili kang bahay na uuwian. May negosyo kang nagpapapasok ng pera. May magagamit ka tuwing may emergency. May mabili kang regalo para sa sarili mo.

Sa umpisa, mahirap ang humindi. Parang nangngingitngit ang kalooban mo na alam mong kailangan nila ng pera pero hindi mo mapagbigyan lalo na kapag meron ka naman hawak hawak. Pero isipin mo, may ilang tao na dahil alam nila, “andyan ka” ay ganun ganun na lamang kung humingi. May ilang tao na, ginagawa ang lahat ng paraan para makipagcommunicate sa iyo dahil may kailangan sila. Hindi ka nagdadamot kapag humindi ka sa kanila. Tinuturuan mo sila ng dapat. Hindi ka ATM (Any Time Money) na kapag kailangan ng pera ay magwiwithdraw sila.

Isang accomplishment kasi sa atin ang mapangiti sila sa ibinibigay natin pero dapat nating isipin, kung may ipon ka, maaari kang umuwi at makasama na sila. Sa sakripisyo natin dito sa abroad, ilan ba sa atin ang tagumpay na buo pa rin ang pamilya sa pag-uwi? Yung mga anak, kapatid, asawa o magulang mo ay malapit pa rin ang loob sa iyo? Hindi ba, marami sa OFW ang umuuwing luhaan, hindi dahil walang pera, kundi dahil nasayang ang sakripisyo dahil nasira ang pamilyang iniwan? Kaya ikaw, matuto ka. Mag-ipon ka upang makasama mo na sila.


Ikaw ang nagpapakahirap, ikaw ang nagkokontrol ng sahod mo, Ikaw ang dapat magturo sa iyong pamilya ng tamang pagpapahalaga sa iyo bilang OFW.
________________________
Salamat sa aking kaibigan. Nagising ako sa katotohanan. Ngayon, kitang kita ko na ang aking pinaghirapan. Sana ikaw rin Kabayan.

No comments:

Post a Comment